Date
Time
CityLoading...
Weather☀️ 29.9°C
USD P62.54
EUR €0.86
The Insider News Philippines
Back to Home
Nation

Sara Duterte, lamang sa 2028 Presidential survey

NI Cyrill QuiloOctober 12, 20262 min read7 views1 hour ago
Sara Duterte, lamang sa 2028 Presidential survey

MANILA — Malaking agwat ang lamang ni Vice President Sara Duterte sa mga posibleng makalaban sa 2028 presidential elections matapos makakuha ng 50 porsiyentong suporta sa isang hypothetical presidential race, batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia noong Setyembre.

Malayo ang naging puwesto ni Duterte kay Naga City Mayor Leni Robredo, na nakakuha ng 26 porsiyento, habang pumangatlo naman si Sen. Raffy Tulfo na may 12 porsiyento.

Nakakuha naman si Sen. Risa Hontiveros ng tatlong porsiyento, habang tig-iisang porsiyento ang nakuha nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Public Works and Highways Secretary Vince Dizon.

May 0.3 porsiyento naman ang suporta kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Isinagawa ang survey noong Setyembre 17 hanggang 24 sa 2,400 respondent na tinanong kung sino ang kanilang iboboto kung gaganapin ang presidential elections sa kasalukuyan.

Sa mga hindi pa nakapipili, tatlong porsiyento ang undecided, tatlong porsiyento ang walang suportang kandidato sa mga nabanggit, at isang porsiyento ang tumangging magbigay ng sagot.

Pinakamalakas ang kapit ni Duterte sa Mindanao, kung saan umabot sa 92 porsiyento ang kanyang suporta. Nakuha rin niya ang 56 porsiyento sa Visayas at 40 porsiyento sa Metro Manila.

Nanatili ring mataas ang kanyang suporta sa iba’t ibang socioeconomic class, na nasa pagitan ng 44 at 68 porsiyento.

Sa iba pang bahagi ng Luzon, nanguna si Robredo sa 36 porsiyento, habang sumunod si Duterte na may 28 porsiyento.

Gayunman, hypothetical race pa lamang ang survey at hindi pa nangangahulugan na pinal na ang magiging resulta ng halalan sa 2028.

Share:

Related Articles