Presyo ng petrolyo posibleng magkabaligtad sa susunod na linggo

POSIBLENG magkabaligtad ang galaw ng presyo ng petrolyo sa susunod na linggo—gasolina posibleng sumipa, habang diesel naman ay maaaring bumaba.
Ayon kay Jetti Petroleum president Leo Bellas, maaaring madagdagan ng P1.50 hanggang P1.80 kada litro ang presyo ng gasolina.
Batay ang pagtataya ni Bellas sa unang apat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa galaw ng foreign exchange.
Ginagamit ang MOPS bilang pangunahing batayan sa pagpepresyo ng mga refined petroleum products sa Southeast Asia.
Ayon kay Bellas, nananatiling pabagu-bago ang presyo ng langis dahil sa mga pangamba sa katatagan ng suplay.
“Lingering supply stability concerns have resulted in oil’s volatile movement this week,” ani Bellas.
Bahagyang napipigilan naman ang pagtaas ng presyo dahil sa unti-unting pagbabalik ng suplay ng langis mula sa Middle East.
Ngunit muling nagpapataas sa presyo ang pagkakaantala ng peace talks sa pagitan ng United States at Iran at mga panibagong insidente sa Strait of Hormuz, na nagpapalakas sa pangambang maantala ang suplay ng langis.
Pinalalabas pa ng Department of Energy ang opisyal na price adjustment para sa susunod na linggo matapos ang kumpletong trading data.



