Video ng mga maleta sa bahay ni Romualdez, ipinasilip sa korte

ISANG 13-segundong video ng mga maletang umano’y dinala sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Forbes Park ang ipinakita sa Sandiganbayan nitong Lunes, kaugnay ng petisyon nito para sa piyansa sa kasong plunder o pandarambong.
Pinayagan ng Third Division ng Sandiganbayan na ipalabas ang video habang tumitestigo si George Villalon Jr., isa sa mga tinaguriang “Maleta Boys” at saksi ng mga special prosecutor.
Ayon kay Villalon, kuha sa kanyang cellphone ang naturang video noong Nobyembre 21, 2023, dakong alas-2 ng hapon.
Nang tanungin ni Deputy Special Prosecutor Omar Sagadal kung saan kinunan ang video, sinabi ni Villalon na kuha ito sa loob ng isang bahay.
Kinumpirma rin ng saksi na ang bahay na tinutukoy niya ay ang tirahan ni Romualdez sa Forbes Park.
Ikinuwento ni Villalon na ipinadala niya ang video sa kanyang asawa sa pamamagitan ng Facebook Messenger upang ipaalam dito ang kanyang ginagawa.
Inamin din ng saksi na nakapagdala siya ng tinatayang 20 maleta sa nasabing bahay.
Ang video ay iniharap bilang bahagi ng mga ebidensiyang inilalatag sa pagdinig ng petisyon ni Romualdez para sa piyansa sa kasong plunder.



