Date
Time
CityLoading...
Weather☀️ 29.9°C
USD P62.54
EUR €0.86
The Insider News Philippines
Back to Home
Nation

Senior Deputy Speaker Hernandez nakiramay sa mga biktima ng Banga School shooting

NI Cyrill QuiloSeptember 19, 20262 min read5 viewsSep 19, 2026
Senior Deputy Speaker Hernandez nakiramay sa mga biktima  ng Banga School  shooting

NAGPAABOT ng pakikiramay si Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Representative Ferdinand L. Hernandez sa mga biktima at kanilang mga pamilya kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa Banga, South Cotabato.

Sa isang pahayag, sinabi ni Hernandez na nakikiisa siya sa mga estudyante, guro, magulang at iba pang miyembro ng komunidad ng paaralan na naapektuhan ng insidente.

Sinabi ng mambabatas na handa siyang makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matukoy ang mga kinakailangang tulong para sa mga pamilyang direktang naapektuhan ng insidente.

Kasabay nito, hinimok ni Hernandez ang publiko na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon at iwasang magpakalat ng mga haka-haka habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagprotekta sa privacy at dignidad ng mga batang sangkot sa insidente, lalo na habang kinakalap pa ng mga awtoridad ang mga detalye kaugnay ng pamamaril.

Nanawagan din si Hernandez para sa mas pinaigting na seguridad sa mga paaralan, kabilang ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang laban sa pagpasok ng mga armas sa loob ng campus.

Iginiit din niya ang pangangailangan para sa mas mahusay na mekanismo sa maagang pagtukoy at pagtugon sa mga posibleng banta upang mapanatiling ligtas ang mga estudyante, guro at iba pang kawani ng paaralan.

Ayon kay Hernandez, mahalaga ang pagtutulungan ng mga paaralan, magulang, komunidad at mga awtoridad upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga kabataan.

“Dapat gawin natin ang lahat upang makauwi silang ligtas,” ani Hernandez.

Share:

Related Articles